Sunday, February 8, 2009

Panatang Pansarili

kakayanin ko anuman ang mangyari. mananatili akong matatag at ako'y magwawagi.

dapat kong tapusin ang mga sinimulan
sa likod ng pangambang baka ako ang mawala sa mundong pinasukan.
kakayanin ko anuman ang mangyari.mananatili akong matatag at ako'y magwawagi.

pinili ko ito, walang ibang nagtulak sa akin
ako ang may kasalanan kung bakit ako ngayon nahihirapan
walang ibang dapat sisihin kundi ang sarili ko
ngunit wala nang magagawa pa ang sisihin ang sarili ko
dahil nandito na ako, wala nang daanan pabalik sa nakaraan
ang tanging naiwan ay ang sangay-sangay ng daang pasulong
magpapatuloy ako sa pag-abante sa daan
kakayanin ko anuman ang mangyari.mananatili akong matatag at ako'y magwawagi.

wala na akong takas sa realidad ng mundo ko
di na tumatalab ang "wala akong panload" at "busy ako" sa mga taong humahanting sa akin
minsan ayoko na ding magising mula sa pagkakahimbing
sa tulog na nagsisilbing daan upang takasan ang mundong puno ng kontradiksyon
gusto ko nang umayaw, ngunit ayokong maging talunan ng buhay
kakayanin ko anuman ang mangyari.mananatili akong matatag at ako'y magwawagi.

minsan, naiisip kong ibahan ang daang tinatahak
ang maglakbay sa kagubatan ng buhay tulad ng dati
yung parang dati, yung parang dati.
komportable ang daan, kumbaga eh sementado
malilim, ligtas
malayo sa dinadaanan ko sa kasalukuyan
ang daang kung tawagi'y "the less travelled road"
nagiging manhid na kasi ako sa mga tinik, sa init,
hindi ko na iniinda ang hirap, wala na akong maramdaman
at alam ko sa sarili ko, hindi ito mabuti
baka mamatay na lang akong hindi nakararamdam ng sakit
ayokong sa huli'y yun ang mangyari sa akin.
wala mang paraan para atrasan ang mundong pinasok ko,
may mga taktikang magbabago nito.
mundong parang sa aking nakaraan, parang yung dati. parang yung dati.
kakayanin ko anuman ang mangyari.mananatili akong matatag at ako'y magwawagi.

sarili ko ang nagtulak sa akin upang lisanin ang kung ano ako sa nakaraan
sarili ko din ang siyang magdadala sa akin doon kung saan magtatagpo ang aking nakaraan at ang kasalukuyan
maraming sa akin doo'y nag-aabang, partikular na ang pamilyang siyang nagsilbi kong lakas sa aking paglalakbay
alam kong dapat akong magpatuloy sa pagtahak sa daang iyon para sa KANILA
ngunit may tanong na siyang laging sumasagi sa isipan ko.
kung ako ang tatahak sa daang para sa KANILA, sino ang tatahak sa daang para sa AKIN?
mahirap para sa akin, dahil aaminin ko, kahit na maraming dagok ay naging masaya ako
alam kong marami akong maiiwan, SILA na nagsilbing sentro ng buhay ko
pero kailangan kong sagutin ang tanong na KANILA o AKIN
alam kong kailangan NILA ako, pero kailangan KO din and pagkatao ko, higit pa ang pangangailangan ng PAMILYA ko sa akin.
Mas matimbang sa akin ang pangalawa, sapagkat hindi ko kayang talikuran ang aking PAMILYA
kakayanin ko anuman ang mangyari.mananatili akong matatag at ako'y magwawagi.

At sa gitna ng pamamaalam sa dating daanan
ay ang pangako ng hindi paglimot sa KANILA
Sapagkat naging parte sila ng kulay
Ng dibuhong tinataglay ng aking buhay
At ang paghingi ng pag-unawa sa pagpapasyang makasarili
makasarili. makasarili. makasarili. makasarili.
alam kong walang magagawa ang mga gabi ng pagluha para sa KANILA at sa AKIN
at makabubuti kung sarili ko muna ang siyang pag-ukulan ko ng panahon.
Sapagkat muli, darating ang araw na ako'y babalik
mas matapang, mas buo.
Sadya lang kasing mas kailangan ako ng pamilya ko.
Hinihingi ko ang KANILANG pag-intindi
kakayanin ko anuman ang mangyari.mananatili akong matatag at ako'y magwawagi.

No comments:

Post a Comment