Hindi ko akalaing magiging malapit tayo sa isa’t – isa. Pilit lang naman kasi ang pagiging seatmate natin ng sitting arrangement ni Mam. Malay ko ba kung gusto mo rin akong katabi.
Noong una, tahimk ka, maingay ako. Strictly studious ka, ako wala lang (pero may crude study habit ako kahit papano). Henyo ka, ako sensible lang (pwede mo nang pagtiisang kausapin kung nakikipag-usap ka nga sa iba bukod sa libro at notebuk mo). Nakakaintimidate ka, samantalang ako nakakapagboost ng ego ng iba dahil madali lang akong matalo.
Sabi nga ni pareng Charles Coulomb, “unlike charges attract each other”. Salamat sa teoryang ito dahil hindi nagtagal, naglapit din ang mundo nating dalawa na dati’y milya-milya ang layo sa likod ng magkadikit nating mga upuan.
Noon ko nalaman na tao ka pala, nagsasalita, may social life, na kinikilala din ang Earth bilang mundo bukod sa mga libro at notebuk mo.
Kinilala ko ang pagkatao mo at naging ganun ka din sa akin. Sabay tayong inantok sa klase ni Ms. X. Sabay tayong naging expert sa pagdrowing ng isda sa notebook natin sa tuwing nabobore sa discussion ni Mr. Y.
Sabay tayong gumawa ng assignments. Naging taong reviewer kita. Ginabayan mo ako sa pag-aaral. Tinulungan sa pag-intindi sa mga bagay na di ko maintindihan dahil sa hindi ako makaintindi. Naging mabait ka sa akin. Mula sa pagiging seatmate, naging malapit tayong magkaibigan.
Pinagsaluhan natin ang kahalagahan ng eukasyon, ng karapatan natin bilang estudyante at ng responsibilidad bilang mga kabataan. Pinagsaluhan natin ang kahalagahan ng prinsipyo ng pakikipagkapwa-tao. Sabay tayong umibig sa bagay na siyang mahal natin ngayon.
Halos araw-araw tayong magkasama at araw-araw ko din sa iyo pinaparamdam. Sa mga araw na iyon lagi kong inaasam na tayo’y maging higit pa sa magkaibigan. Naghintay ako at patuloy na nagparamdam.
Ngunit bakit? Bakit ngayon mo lang pinaalam? Tulad ko, si Adan din pala ang iyong inaasam.
Hanggang ngayon, masakit pa rin sa akin ang marinig kang tumili sa bawat pilantik ng kamay sa gitara at pag-awit ni Adan. Ngunit magpapatuloy ako sa pagyakap sa mapagpalayang prinsipyong sabay nating pinag-aralan.
Thursday, March 5, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment